-- Advertisements --

Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring i-hold ang pagpapatuloy ng voter registration para bigyang-daan ang verification ng mga pirma na nakolekta para sa People’s Initiative para isulong ang charter change.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kailangan na iisa lamang muna ang bigyan ng pansin upang ito ay matutukan.

Sinabi ni Garcia na hindi pa nila nasisimulan ang proseso ng verification dahil kailangang maghain ng petisyon sa poll body, pagkatapos ng pagsusumite at sertipikasyon ng mga lagda.

Aniya, may posibilidad na masuspinde ang rehistrasyon ng mga botante kapag naitakda na ang petsa para sa plebisito, alinsunod sa Republic Act No. 8189.

Kung maaprobahan ng Comelec ang petisyon at magsisimula na ang verification, sinabi ni Garcia na magiging mahirap itong gawin kasabay ng pagpaparehistro dahil kailangan nila ng lakas at oras para suriin ang mga pirma.

Sa proseso ng verification, susuriin ng mga opisyal ng Comelec ang mga pirma kasama ang database nito upang matukoy kung valid ang mga ito at kung sila ay mga rehistradong botante sa distrito.

Kaugnay nito, binanggit din ni Garcia ang pagpapalawak ng Register Anywhere Project, na nagdadala ng registration sa mga malls at iba pang satellite venue, kaya mahirap gawin ang signature verification nang sabay-sabay.

Una na rito, itinakda ng poll body ang pagpapatuloy ng voter registration sa Peb. 12, na nagta-target ng tatlong milyong bagong botante hanggang sa huling araw ng Setyembre 30.