VIGAN CITY – Malaki ang posibilidad na hindi matigil sa buwan ng Setyembre ang voter registration na isinasagawa ng Commission on Elections (Comelec) para sa barangay at sangguniang kabataan elections.
Ito ay kahit na ipagpaliban ito sa taong 2022 alinsunod sa panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-apat na State of the Nation Address nito noong July 22.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Comelec spokesman James Jimenez, sinabi nito na kaya umano naitakda sa September 30 ang pagtatapos ng voter registration na nasimulan noong August 1 dahil sa isasagawang halalan sa May 2020.
Ngunit, kung magdedesisyon umano ang Kongreso na ipagpaliban ito sa taong 2022, malaki ang posibilidad na magdesisyon din ang Comelec en banc na ituloy-tuloy na ang pagpaparehistro sa mga botante hanggang sa July 2021.
Una nang sinabi ni Jimenez na dahil sa sinabi ni Pangulong Duterte na ipagpaliban muna ang nasabing halalan at sa dami ng mga kongresistang sang-ayon dito, naghihinay-hinay umano sila sa mga isinasagawa nilang paghahanda nang sa gayon ay hindi maapektuhan ang kanilang operasyon.