Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na ipagpapatuloy na ang voter registration sa bansa simula sa darating na Setyembre 1.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, ipagpapatuloy ang voter registration sa buong bansa maliban lamang sa mga lugar na isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) o modified ECQ.
Sa oras namang ibinaba na ang quarantine classification sa general community quarantine (GCQ), modified GCQ o kung alisin na ang quarantine ay otomatikong ibabalik ang voter registration.
Sinabi pa ng poll body na maaaring magsumite ng aplikasyon para sa registration tuwing Martes hanggang Sabado sa Office of the Election Officer (OEO) mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Hinimok naman ng Comelec ang mga magpaparehistro na i-download ang application forms sa kanilang website.
Dagdag ni Jimenez, magpapatupad sila ng anti-COVID precautions sa tanggapan ng Comelec.
Kasama na dito ang paglilimita sa bilang ng mga papapasuking aplikante sa loob sa tanggapan ng Comelec para masigurong masusunod ang physical distancing.
Nakasuot din dapat na face mask at face shield ang bawat aplikante, at hinikayat din ang mga ito na magdala ng sariling ballpen.
Hindi rin aniya papahintulutang makapasok ng Comelec office ang sinumang nakararanas ng sintomas ng deadly virus.
Dadaan naman sa express lane ang mga senior citizen, person with disabilities at buntis.
Siniguro rin na magsasagawa ng disinfection at decontamination sa lahat ng opisina ng Comelec kada araw.