-- Advertisements --
trump presscon White House

Lalo pa raw sumidhi ang paggigiit ni US President Donald Trump na siya ang nanalo sa halalan at hindi si presumptive President Joe Biden.

Ito ay makaraang malaman niya na hindi kinilala ng Nevada Clark County ang isang lokal na halalan doon bunsod ng umano’y ilang mga discrepancy sa botohan.

Natukoy daw ng Registrar of Voters na 139 na mga balota ay mga kwestyunable.

Sinabi naman ni Joe Gloria, namumuno ng registrar’s office, nasa 936 raw na mga boto ay may mga isyu.

Inihalimbawa pa nito sa botohan ng county commissioners na may anim na tao ang bomoto ng dalawang beses sa Las Vegas area.

Agad namang naglabas ng statement sa social media si Trump at tinawag niya itong “big victory sa State of Nevada.”

Ayon kay Trump, repleksiyon lamang daw ito na may nangyaring malawakang dayaan.

“Big victory moments ago in the State of Nevada. The all Democrat County Commissioner race, on same ballot as President, just thrown out because of large scale voter discrepancy. Clark County officials do not have confidence in their own election security. Major impact!,” ani Trump sa kanyang Twitter message.

Samantala, lumutang naman ang usapin na hati ngayon ang loob ng kampo ni Trump dahil ang isang panig ay naniniwalang wala ng halaga pa na magmatigas ang Republican president dahil talaga namang talo ito.

Pero kabilang daw sa nagpapalakas ngayon ng loob kay Trump ay ang posisyon ng kanyang mga anak na sina Donald Trump Jr. at Eric Trump at ang legal counsel na si dating New York Mayor Rudy Giuliani, na nagsasabing dapat pa ring ituloy ang laban.