-- Advertisements --
James Jimenez Comelec Spokesperson
James Jimenez

Naging matagumpay ang isinagawang voting simulation ngayong araw ng Commission on Elections (Comelec) sa San Juan Elementary School sa San Juan City.

Ang aktibidad ay bilang paghahanda na rin sa national at local elections sa susunod na taon.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa isinagawang simulation, nasa sa 30 hanggang 40 minuto ang inabot ng isang botante para makaboto.

Nilinaw naman ng Comelec na ang simulation ay hindi para subukan kung gumagana ang mga vote counting machine (VCM) kundi para malaman ang proseso ng pagboto sa May 9, 2022 elections.

Tinignan din ng Comelec kung gaano kabilis ang mga botanteng mahanap ang kanilang designated precinct.

Kung maalala, target ng Comelec na pabilisin ang proseso sa pagboto para hindi magkumpulan ang mga botante sa loob ng polling precint.

Ito ay bilang pagsunod na rin sa mga protocols na itinakda ng pamahalaan bilang pag-iingat dahil ito ang kauna-unahang pagsasagawa ng halalan sa bansa sa kalagitnaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa isinagawang voting stimulation, ipinaalala ng komisyon na tuloy pa rin ang mga itatayong mga isolation-polling places.

Mayroon ding voter’s assistance desk na tutulong para magabayan at maituro sa mga botante ang kanilang mga voting precinct.

Nasa 4,000 volunteers mula sa iba’t ibang barangay ng San Juan ang lumahok sa simulation.

Naging mahigpit ang seguridad sa bisinidad ng paaralan sa pamamagitan ng mga personnel ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Public and Order Safety Office (POSO).