-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinangunahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio ang 8th moving up ceremony at 6th Graduation and recognition rites ng Ganao National High School sa Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Orlando Manuel, Schools Division Superintendent ng Schools Division Office (SDO) Nueva Vizcaya, sinabi niya na labis nilang ikinatuwa ang presensya ni Vice President at DepEd Secretary Duterte-Carpio sa ginanap na moving up at graduation ceremony ng Ganao National high School.

Para sa kanya, ito ang pinaka-maayos na moving up at graduation ceremony na kanyang nasaksihan dahil lahat ay organisado at lahat ay disiplinado.

Sa inspirational speech ni Vice President Duterte-Carpio aniya ay lumakas ang kanilang paniniwala na makakapagproduce sila ng maraming propesyonal na inaasahang magiging inspirasyon ng maraming mga katutubo na ipagpatuloy ang pangangarap para sa Diyos, Para sa Bayan at Pamilya.

Umaasa siya na makakabuo sila ng panuntunan upang maisakatuparan ang lahat ng mithiin ng DepEd.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mary Julie Trus, Assistant Schools Division Superintendent ng SDO Nueva VIzcaya, sinabi niya na ipinadala ng School Head ng Ganao National High School ang imbitasyon kay Vice President Duterte-Carpio.

Pinaunlakan naman ng Office of the Vice President ang kanilang imbitasyon at kinumpirma ang kanyang prisensya sa gaganaping programa ng paaralan at naging katulong ang SDO Nueva Vizcaya at DepEd Regional Office para marepaso ang mga kailangan para sa pagdating ng Bise Presidente.

Labis na natuwa ang mga estudyante maging ang mga magulang sa tinaguriang history in the making dahil natatanging ang Ganao National highschool lamang ang napaunlakan ni Vice President Duterte-Carpio.

Samantala, naging mahigpit ang ipinatupad na protocols sa pagdating ng bise presidente kahapon sa Ganao National High School.

Ayon kay Assistant Regional Director Florante Vergara ng DepEd Region 2 sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DepEd Regional Office, SDO Nueva Vizcaya at LGU ay naging maayos ang ginanap na moving up at graduation ceremony.

Kabilang naman sa kanilang mga naidulog kay Vice President Duterte-Carpio ay ang ikabubuti ng mga learners ng buong Lambak ng Cagayan.