-- Advertisements --

Nagtagisan at naglatag ng iba’t-ibang pananaw ang bawat kandidato para sa pagka-bise presidente sa isinagawang unang round ng debate na inorganisa ng Commission on Electionc (Comelec).

Dito itinanong sa mga lumahok na vice presidential bets para sa darating na halalan kung nagkaroon ba ng kakulangan ang naging COVID-19 response ng kasalukuyang pamahalaan at kung paano ito susuportahan ng mga ito.

Ito ay matapos ang dalawang taon na pakikipagbaka ng bansa laban sa pandemic.

Naniniwala si Katipunan ng Kamalayang Kayumanggi vice presidential bet Carlos Serapio na ginawa ng kasalukuyang administrasyon ang lahat nitong makakaya upang tugunan ang krisis sa kalusugan ngunit aniya kung siya ang mamamahala ay may ilalagay pa siya ng maraming pondo para sa research and development para solusyunan ito.

Para paghandaan naman at hindi na maulit ay sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na dapat na magkaroon na ang bansa ng sariling manufacturer ng mga bakuna, PPE, syringe at iba pang mga kagamitan na kakailanganin pa sa pagresolba sa health crisis at para matigil na rin aniya ang importation nito sa bansa.

Idinagdag din ni Sotto ang karapatan na mabigyan ng mataas na sweldo ang mga frontliners na silang pangunahing nakikipaglaban kontra sa nasabing virus.

Proper budget allocation para sa mga frontliners at ayuda naman ang solusyon ng pambato ng Partido Lakas ng Masa na si Walden Bello kasabay ng pagtawag nito na dismal . Ito ay dahil hindi raw handa at unprofessional ang naging tugon ng pamahalaan dito.

Sang-ayon naman si Democratic Party of the Philippines bet na si Rizalito David na dapat ay pag-usapan itong mabuti at maayos ng lahat ng partido at stakeholdes upang masolusyonan ito.

Pagpapalakas naman ng public health care system, karagdagang doctor, at pagbibigay pa ng maraming scholarship ang isa sa nakikitang solusyon ni Labor Party Philippines vice presidentials aspirant Manny Lopez.

Binigyang-diin naman ni Dr. Willie Ong ang kahalagahan ng pagtatayo ng infectious disease hospital at paggawa ng center for disease control sa bansa, pagbili ng mga gamot laban sa COVID-19, at libreng COVID-19 testing para sa lahat na siya rin namang pinaburan ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan kasabay ng pagsasabi na dapat tanggalin na aniya ngayon palang ang mga kurakot at incompetent na nagpapatakbo ng COVID-19 response sa bansa at hanapan aniya ang mga ito ng mas mahusay at talagang tapat sa panunungkulan.