Hinarang ni Vice President Sara Duterte ang pagpapatupad ng lehitimong utos na ilipat ang kanyang chief-of-staff na si Zuleika Lopez sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong City.
Tinawag ni House Sergeant-At-Arms retired Nap Taas na “alarming acts of defiance” ang ginawang ito ni Duterte.
Sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Blue Ribbon Committee, at House Sergeant-At-Arms Napoleon Taas, muling ginulo ni VP Duterte ang operasyon ng House of Representatives sa kanyang mga pagsuway sa mga alituntunin noong Biyernes ng gabi.
“The House Committee on Good Government and Public Accountability, chaired by Rep. Joel R. Chua, has resolved to transfer Atty. Zuleika T. Lopez, Undersecretary and Chief of Staff of the Office of the Vice President, to the Women’s Correctional Facility in Mandaluyong City,” ayon kay Taas.
Dagdag pa ni Taas, “However, the execution of this lawful order was directly obstructed by Vice President Sara Duterte, who took the extraordinary step of introducing herself as Atty. Lopez’s legal counsel and physically intervening to prevent the service of the transfer order.”
Ayon sa kanya, ang pakikialam ng Pangalawang Pangulo ay humadlang sa mga itinakdang proseso ng House at malinaw na nagpakita ng kawalang-paggalang sa awtoridad ng institusyon at sa due process.
Nauna nang nagpasya ang House Committee on Good Government and Public Accountability na ilipat si Lopez alinsunod sa mga itinakdang patakaran at tamang proseso.
Sa halip, muling kinontra ni VP Duterte ang batas, na umasta bilang legal council ni Lopez, pagbibigay ng direktang utos sa mga tauhan ng House, at paglabag sa mga protokol na umiiral sa operasyon ng Kamara.
Sa pagpapaliwanag ng transfer order, sinabi ni Chua na nakatanggap ang komite ng dalawang liham na may kaugnayan kay Lopez na hindi pangkaraniwan.
Ang ikalawang liham, na isinulat mismo ng Bise Presidente, na humihiling na payagan siyang mag-jogging sa loob ng bakuran ng Kamara.
Ang mga liham, kasabay ng mga post sa social media tungkol sa isyu, ay nagdulot ng pangamba sa mga miyembro ng komite, kaya’t nagsagawa ng isang espesyal na Zoom meeting upang pag-usapan ang mga isyu ng seguridad.
Sumentro ang pulong sa mga panganib na dulot ng patuloy na pananatili ni Lopez sa loob ng Kamara de Representantes.
Sinabi pa ni Chua na nagkasundo ang komite na ilipat si Lopez sa ibang pasilidad na may mataas na kakayahan para sa seguridad.
Ayon kay Taas, mas tumindi ang tensyon sa paglilipat kay Lopez dahil sa panghaharang ng Bise Presidente.
Dagdag pa ni Taas, ang mga partikular na ginawa ng Bise Presidente sa paghadlang sa utos ay kinabibilangan ng mga sumusunod.
- Pag-asta bilang legal counsel ni Atty. Lopez upang harangin ang direktiba ng Komite;
- Pisikal na pagpigil sa mga House security personnel sa pagpapatupad ng utos ng paglilipat;
- Paggugulo sa operasyon ng Kamara at pagbabalewala sa mga itinakdang patakaran ukol sa pagbisita sa mga detenidong tao; at
- Paglabag sa security protocols sa pamamagitan ng pagdadala ng labis at hindi awtorisadong mga armado sa loob ng Kamara.
Sinabi niya na ang mga ginawa ng Pangalawang Pangulo ay nagdulot ng malalaking abala, tulad ng labis na pag-gamit ng mga resources, muling pag-aassign ng mga tauhan ng security, at panganib sa kaligtasan sa loob ng mga nasasakupan ng Mababang Kapulungan.