Inisa-isa ni Vice President Sara Duterte ang umano’y kasinungalingan ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil sa mga pahayag nito kaugnay sa pagbawi ng kaniyang security personnel.
Sa inilabas na open letter ni Duterte, una niya munang nilinaw na wala siyang problema sa pagtanggal ng PNP Chief sa kaniyang 75 security personnel na siyang nagsisilbing security team ng OVP. Pero hindi raw maatim ng bise presidente ang sari-saring kwento at dahilan ni Marbil at tuloy-tuloy na panlilinlang nito sa taumbayan
Binigyang diin ni Duterte na ang Vice Presidential Protection Division na sumasailalim sa Police Security and Protection Group (PSPG) batay sa utos ng NAPOLCOM ay sadya umanong ginawa para hindi na pakialaman pa ng PNP Chief ang security ng Vice President. “Kaya nga may VPPD para walang hablutan at hindi maabala ang trabaho ng lokal na police,” ani Duterte.
Matatandaan na sinabi ng PNP chief na bago nila tanggalin ang security details ng pangalawang pangulo ay nag-request muna sila sa OVP kung pwede itong e pull-out dahil kinakailangan nila ng dagdag na pwersa ng kapulisan sa National Capital Region, at pumayag naman daw ang OVP.
Pero sa liham ni VP Sara, wala umanong request na nangyare at agad na kinuha lang ang kaniyang security team pero hindi na raw siya nakipagtalo pa dahil gaya nga ng sabi ni Duterte, hindi raw nito maaapektuhan ang kaniyang tungkulin bilang pangalawang pangulo.
Pahinggil naman sa sinabi ng PNP Chief na wala silang nakikitang banta sa buhay ng bise presidente kaya walang problema kung babawasan ang security nito, ibinahagi ni Duterte ang ilan sa mga banta sa kaniya at pati na rin sa kaniyang pamilya.
Ilan rito ang malisyosong pagpapalabas ng video footage noong siya ay nasa NAIA na kung saan ay nakuhanan rin ang kaniyang asawa at menor de edad na anak na itinuturing niya nang malaking banta sa kaniyang siguridad.
“Bukod pa rito, kamakailan lang ay nagtungo rin ang mga operatiba ng PNP sa lugar kung saan ako nakatira upang ‘mag-casing.‘ Pilit pang inaalam kung nasaan mismo ang bahay na inuupahan ko. Bahay kung saan rin nakatira ang aking mga anak. Kung hindi ito napigilan ng mga nagmagandang loob na opisyal ng homeowners’ association, hindi ko na alam kung ano pa ang maaring mangyari,” dagdag pa ni VP Duterte.
Dito kwinenstyon ng bise presidente kung ano ang ibig sabihin ng “threat” para sa pulisya at kung totoo raw na wala ngang banta sa kaniya ay bakit pa raw ito nag-iwan ng 45 tauhan ng PNP na pinili mismo ni Marbil. Ani Duterte, hindi ba’t mas banta kung ang harassment ay nanggagaling mismo sa mga tauhan ng gobyerno. Pagbibigay diin ni Duterte kay Marbil, “batas ka lang at hindi ka diyos.”
Kasunod nito, ipinunto rin ni Duterte na kaduda-duda na ang 38 sa 75 PNP personnel na piniling masakop ng relief order ng PNP Chief ay mga pulis na mula sa Mindanao at ipinapalipat sa National Capital Region (NCR) na para ba umanong hindi kulang ang pulis sa Mindanao.
Iginiit ni Duterte na ang relief ng mga PNP personnel ay dumating matapos siya mag bitiw bilang kalihim ng kagawaran ng edukasyon at pagtapos niya umanong inihambing ang SONA sa isang catastrophic event, at matapos ng lumabas na cocaine video.
Malinaw aniya na ito ay isang political harassment at wala nang iba.