-- Advertisements --

Kinumpirma ni House Secretary General Reginald Velasco na pumunta sa Batasan Complex si Vice President Sara Duterte para dalawin ang kaniyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez.

Ayon kay Velasco, kagabi nagtungo ang bise presidente sa House of Representatives (HREP), bandang alas-8:00.

Pinayagan naman umano itong magtungo sa detention facility kung saan nananatili si Lopez.

Sinabi ni Velasco na nakatanggap sila ng request hinggil sa pagbisita ni VP Sara sa detention facility ni Lopez kung saan tumagal ng apat na oras ang pag-uusap ng dalawa na natapos bandang alas-12:00 na ng hating gabi.

Dahil sa presensiya ni VP Sara sa Kamara, mahigpit ang seguridad na ipinatutupad ng House Seargent at Arms sa pakikipagtulungan sa PNP.

Hindi naman masabi ni Velasco kung anong oras aalis ng Kamara ang Pangalawang Pangulo.

Nabatid na sa opisina ng kaniyang kapatid ni Davao City Rep. Paolo Duterte nagpalipas ng magdamag si VP Sara.

Matatandaang nakulong ang tauhan ng OVP, matapos i-cite in contempt dahil sa hindi umano pagsasabi ng totoo sa hearing ng House Blue Ribbon panel.

Si Rep. France Castro ang nagsulong para ma-contempt si Lopez, habang sinang-ayunan naman ito ng iba pang mambabatas.

Nabatid na nasa Butuan City si VP Sara nang humarap si Lopez sa hearing ng Kamara.

Nasa Caraga siya para sa aktibidad ng Office of the Vice President (OVP) sa nasabing rehiyon.