Makikipagtulungan si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa National Book Development Board (NBDB) para maibalik ang pagpapaigting ng pagbabasa at pagsusulat sa mga kabataang Pilipino.
Nais itong gawin ni Duterte sa pamamagitan ng pagkuha ng mataas na kalidad na mga babasahin para sa mga mag-aaral.
Inanunsyo nito ang partnership sa nasabing board matapos makipagpulong ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) sa board at iba’t ibang local book publishers.
Nagpalitan ang mga opisyal ng mga ideya kung paano pasisiglahing muli ang interes ng mga kabataang Pilipino sa pagbabasa at pagsusulat.
Ayon kay Duterte, ito ay mahalaga dahil isa sa mga priyoridad sa mga programa ng DepEd ay ang paghikayat sa pagbabasa.
Ang National Book Development Board ay isang ahensya sa ilalim ng DepEd na inatasan na isulong ang industriya ng paglalathala ng libro.
Una na rito, napag-usapan din ng DepEd at National Book Development Board kung paano gamitin ang makabagong teknolohiya upang makatanggap ng de-kalidad na edukasyon ang mga mag-aaral.