Naniniwala si House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list na si Vice President Sara Duterte ang nakikinabang sa hindi pag-usad ng inihaing impeachment case laban sa kanya sa Senado.
Iginiit ni Acidre ang pangangailangan na papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno na umabuso sa kapangyarihan.
Babala ni Acidre hangga’t hindi kumikilos ang Senado sa impeachment case, mas maraming oras si Duterte upang makaiwas sa pagsusuri at pananagutan nito.
Binigyang-diin ni Acidre na nagawa na ng Kamara de Representantes ang kanilang bahagi sa pamamagitan ng masusing pagsisiyasat sa mga paratang laban kay Duterte at pagsigurong may sapat na ebidensya ang inihaing impeachment complaint.
Pinunto ng kongresista na hangga’t hindi umuusad ang paglilitis, mananatili sa dilim ang publiko tungkol sa lawak ng mga umano’y paglabag ni Duterte.
Hinimok niya ang Senado na itigil ang pagpapaliban at tuparin ang kanilang tungkuling konstitusyonal na buuin ang impeachment court at marinig ang kaso nang patas.
Dahil sa lumalakas na panawagan ng publiko, nanawagan si Acidre sa Senado na itigil ang pagkaantala at pahintulutan nang umusad ang impeachment trial.