Prosecutor
LOOPS: VP SARA IMPEACHMENT, REP. JIL BONGALON, HOR
Naniniwala si Ako-Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon, miyembro ng 11-kataong House prosecution panel, na nasa panic mode na ang kampo ni Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon kay Bongalon, patunay nito ang isinampang petisyon sa Korte Suprema upang pigilan ang nalalapit na impeachment trial sa Senado.
Aniya, dalawa lang ang maaaring ibig sabihin nito: isang publicity stunt o malinaw na senyales ng pagkataranta ng kampo ng Bise Presidente.
Ipinaliwanag din ni Bongalon na malinaw ang proseso ng impeachment sa Saligang Batas—kailangang ihain ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara, beripikado, at may nakatalang boto ng bawat kongresista.
Iginiit niya na ang impeachment ay isang political process, hindi judicial, at ang Senado ay isang quasi-judicial na katawan.
Ayon kay Bongalon, ginagawa ng kampo ni Duterte ang lahat ng paraan upang hadlangan ang paglilitis at maiwasang mailantad sa publiko ang mga ebidensya laban sa kanya.
Dagdag pa niya, ang hamon naman sa kampo ni Bise Presidente Duterte na Itigil ang mga taktikang pampabagal at humarap sa paglilitis. Nararapat lamang na malaman ng sambayanang Pilipino ang buong katotohanan.