Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte kung ano ang mga dahilan ng galit niya ngayon at mga pasaring sa administrasyon.
Ayon kay Duterte, ang ikinagagalit niya lang naman noon ay yung pamamahiya sa isang graduate na lumapit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na namatay, panti-tear gas sa iba pang miyembro ng naturang religious group at panggugulpi umano sa mga ito noong kasagsagan ng paghahanap kay Pastor Apollo Quiboloy sa Davao.
At ngayon, ang ikinakagalit niya naman daw ay ang paghabol habol sa kaniya at panggigipit sa mga kasamahan niya.
Hindi man pinangalanan pa ng pangalawang pangulo ang mga naturang kasamahan niya, sinabi nito na ang isa ay nakakaranas na ng depression, ang isa ay pinag-iisipan na magsuicide, isa ay nasa ospital, at isang hindi na nakakatulog.
Ayon kay Duterte, ang puno’t dulo lang ng lahat ng ito ay politika.
Bago pa man aniya siya pumalag, nauna na raw ang mga ito mamersonal sa kaniya sa problemang dapat ay umiikot lang sa politika.
Binigyang diin din ni Duterte na ang sisira sa bansa ay inggit at selos.