Umaasa si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na ikokonsidera ng Department of Justice (DOJ) ang argumento na kaniyang idinulog kontra sa posibleng pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, sinabi na din mismo ng Justice department na isang valid argument ang mga komento o legal na posisyon ni VP Sara at umaasang ikokonsidera ito sa pagpapatuloy ng pag-aaral na ginagawa ng DOJ.
Una ng inihayag ng DOJ nitong Biyernes na ang vaid arguments ang idinulog ni VP Sara gaya ng pagdating sa usapin ng hursidiksiyon at iba’t ibang rules of evidence ng ICC at Pilipinas.
Ayon kay Justice spokesperson at Assistant Secretary Mico Clavano, isasama nila ang naturang mga punto sa kanilang pag-aaral.
Samantala, sinabi din ni DepEd spox Poa na hindi nito batid kung gagawa ng iba pang aksiyon si VP Sara kaugnay sa posibleng pagbabalik ng bansa sa ICC kung saan ang mga prosecutor nito ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y crimes against humanity kaugnay sa war on drugs ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Una rito, ilang resolusyon ang inihain sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso na naghihikayat sa pamahalaan na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs sa bansa.