Naglabas na ng statement ang kampo ni Democrat Presidential candidate Kamala Harris kasunod ng naging pagtatangkang muli sa buhay ng kanyang kalaban na si dating US Pres. Donald Trump.
Bagaman maikli lamang ang naging statement ng pangalawang pangulo, nakasaad dito na walang puwang ang violence o karahasan sa US.
Ikinalugod din ni Harris na nasa maayos na kalagayan ito kasunod ng panibagong pamamaril na tinukoy ng US Secret Service bilang ikalawang pagtatangka sa buhay ng dating pangulo.
Una nang naglabas ng statement si Trump at sinabing nasa maayos siyang kalagayan at ligtas mula sa naturang pamamaril.
Parehong sentimiyento rin ang inilabas ni US Pres. Joe Biden kasunod ng naturang pamamaril.
Ayon kay Biden, walang puwang ang political violence o anumang uri ng karahasan sa US. Nagpapatuloy aniya ang imbestigasyon sa naturang insidente upang matunton kung ano ang tunay na nangyari.
Ayon pa kay Biden, inatasan na niya ang Secret Service na gawin ang lahat ng paraan at gamitin ang lahat ng resources para mabigyan ng proteksyon ang dating pangulo ng US.
Samantala, nagpaabot na rin ng mensahe ang iba’t-ibang mga world leader kasunod ng panibagong attempt. Isa rito si Australian PM Anthony Albanese na nagsabing ikinagagalak niyang ligtas ang dating pangulo.
Sa kasalukuyan, wala pang official public speech si Trump kasunod ng nangyaring pamamaril.