-- Advertisements --

DAVAO CITY – Personal na dumalo at pinangunahan ni Vice President Inday Sara Duterte-Carpio ang wreath laying sa Tomb of the Unknown Soldier na matatagpuan sa Osmeña Park sa Davao City kasabay ng pagdiriwang ng 91st Araw ng mga Bayani.

Bukod sa Bise Presidente, dumalo rin si Davao City Vice Mayor Melchor Quitain Jr., hepe ng Task Force Davao na si Lt. Col. Darren Comia at Regional Director ng PRO XI na si PBGen Benjamin Silo Jr.

Sa panayam kay Vice Mayor Quitain, iginiit nito ang kanyang panawagan sa lahat ng mga dabawenyo na huwag kalimutan ang mga sakripisyo ng mga bayani ng bansa na lumaban upang makamit lamang ang kalayaan na patuloy na tinatamasa ng mga Pilipino ngayon.

Ayon naman kay VP Inday, ang pag-alala sa buhay ng ating mga bayani ay ang pagbibigay halaga sa kanilang mga sakripisyo at pag-aalay ng kanilang buhay para sa kalayaan ng Pilipinas at ng mga Pilipino.

Hiling ng bise presidente na huwag nating sayangin ang mga aral ng nakaraan, at gamitin ito upang magising ang kabayanihan ng mga Filipino lalong-lalo na sa ating mga kabataan.

Sa kabilang banda, binigyang-diin din nito na sa panahon ngayon, hindi lamang ang mga bayani sa kasaysayan ng Pilipinas ang dapat kilalanin kundi maging ang mga makabagong bayani sa ating panahon tulad ng mga frontliners, doktor, sundalo, guro, OFW. at iba pang patuloy na nagsusumikap para sa kaunlaran at kapakanan ng Pilipinas.