Binigyang-diin ng Malacañang na si Vice President Leni Robredo na ang “boss” sa kampanya laban sa iligal na droga sa bansa.
Pero, hindi pa malinaw ang saklaw ng kanyang kapangyarihan bilang drug czar at nakapende pa raw sa pag-uusap nina VP Robredo at Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, gaya ng nakapaloob sa memorandum ni Pangulong Duterte, hawak ni VP Robredo ang full-government resources para pangunahan ang laban sa iligal na droga.
Ayon kay Sec. Panelo, mabibigyan si VP Robredo ng intelligence reports kaugnay sa lawak ng problema sa iligal na droga at siya na ang mangangasiwa sa anti-illegal drugs operations.
Gayunman, hindi pa umano malinaw kung may kapangyarihan ang VP na magsibak, magtanggal, magpalit o magtalaga ng PNP at PDEA official para sa kanyang sariling diskarte.
Lahat daw ito ay pag-uusapan pa nila ni Pangulong Duterte at pakikinggan din ang mga kondisyon at nais masubod o ipatupad ni VP Leni.