Bukas umano si Vice President Leni Robredo na tumakbo bilang pangulo sa halalan sa 2022.
Pero ayon kay Robredo, mas nais daw nitong bumalik sa lokal na pulitika kung siya ang masusunod.
Dagdag pa ng pangalawang pangulo, marami umanong dapat na ihanda bago nito ikonsidera ang pagtakbo bilang pangulo dahil mas madali aniyang magpasya kung sapat ang kanyang mga resources.
“And iyong pagpe-presidente, possible pa rin siya. Possible pa rin. Iyong sinasabi ko lang, siguro kung sufficient iyong resources ko, mas madaling mag-decide for me. Pero hindi, eh. Alam natin na mahirap iyong… mahirap iyong kalaban kasi iyong lahat na resources nasa kanila,” wika ni Robredo.
Kung maaalala, bago maging bise presidente, si Robredo ang kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.
“Mas priority ko ‘yung local… alam kong may obligasyon ako sa national, alam ko na maraming nag hihikayat sa akin. ‘Yung mga kakampi, at least, naghihikayat sa akin mag presidente,” ani Robredo.
“So parating ayun pa din ‘yun default. Ang gusto ko sabihin siguro mag de-decide lang ako mag local pag sigurado na ako hindi ako kakandidato sa national,” dagdag nito.
Posible aniyang magpasya si Robredo sa Setyembre, isang buwan bago ang deadline ng paghahain ng certificate of candidacy para sa 2022 elections sa Oktubre 8.
Samantala, may mga humihimok din aniya sa kanyang panganay na si Aika na pasukin ang pulitika, ngunit hindi raw interesado ang kanyang anak.