Pinareresolba na ng kampo ni Vice President Leni Robredo sa Supreme Court (SC) na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang lahat ng pending incidents kaugnay ng poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos.
Sa 13-pahinang urgent motion to immediately resolve all pending incidents na inihain ng abogado ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal, nais daw nilang patunayan na sila mismo bilang respondent ay ayaw nila ang delay sa kaso.
Naniniwala si Macalintal na wala naman talagang naganap na dayaan sa halalan noong 2016 elections dahil nagtutugma naman daw ang resulta ng recount at revision ng mga balota sa resulta na lumabas sa vote counting machine (VCM).
Sa katunayan, base raw sa mga balotang galing sa tatlong pilot provinces na Iloilo, Camarines Sur at Negros Oriental na kinuha ng PET, lumalabas na lamang pa raw sa mga probinsiyang iyon ng nasa 15,000 na boto si Robredo.
Dahil dito, nais ni Macalintal na maresolba na ang protesta sa lalong madaling panahon dahil tatlong taon na rin umano ang kanilang hinintay.
“Gusto naming patunayan dito na hindi kami nagde-delay ng anumang kaso. Kasi lumalabas na panay ang rally nila dito sa harapan ng Supreme Court na para bang kami ang nagiging cause of delay. Nais lang naming patunayan na kami ay nais din naming maresolba agad ang nasabing kaso, kasi kami ay naniniwala na wala namang nakitang ebidensya ng pandaraya,†ani Atty. Macalintal.