NAGA CITY – Hindi umano nagpapaapekto si Vice President Leni Robredo sa iprinisenta ni Atty. Bruce Rivera na kopya ng impeachment complaint laban sa kanya kahapon.
Ito ang sinabi ni Georgina Hernandez, tagapagsalita ng bise presidente sa panayam ng Bombo Radyo Naga.
Ayon kay Hernandez, hindi nakakaapekto kay Robredo at sa kanyang trabaho ang naturang complaint.
Nakahanda rin aniya ang kanilang kampo na harapin ang nasabing reklamo kung sakali.
Iwas naman na magbigay pa ng komento si Hernandez sa posibleng posisyon ng mga kongresista sa impeachment complaint laban kay Robredo.
Sinabi rin nito na hindi muna nila pangungunahan kung anuman ang desisyon ng mga mambabatas.
Ayon pa kay Hernandez, matagal na nilang inaasahan ang nasabing complaint matapos na unang lumabas ang balita na magsasampa ng impeachment si House Speaker Pantaleon Alvarez laban kay Robredo.
Samantala, hinihintay ngayon ng kampo ni Vice President Robredo ang kopya ng impeachment complaint.
Nilinaw naman ni Hernandez na hindi pa pormal na naisampa ang complaint dahil wala pang kongresista na nag-indorso nito.
Nag-ugat umano ang naturang impeachment complaint dahil sa video message ng Bicolanang bise presidente sa United Nations Commission on Narcotic Drugs hinggil sa kampanya kontra droga ng Duterte administration.