LEGAZPI CITY – Imbitado ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) si Vice President Leni Robredo sa isasagawang imbestigasyon kaugnay ng ilang kinukwestiyong proyekto sa Bicol.
Ayon kay PACC Comm. Manuelito Luna sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hiling ng komisyon na maipaliwanag ni Robredo at linawin ang isyu sa umano’y anomalya sa mga proyektong hinawakan noong kongresista pa sa unang distrito ng Camarines Sur.
➠PACC, giit na hindi pang-iipit sa oposisyon kay VP Leni sa imbestigasyon ng umano’y ilang maanomalyang proyekto sa Bicol
Nakapaloob aniya sa isinumiteng ulat ng Office of the Presidential Adviser on Bicol Affairs (OPABA) ang rekomendasyon sa pagsisiyasat na nag-ugat sa reklamo sa structural integrity ng ipinatayong Fish Port, Ice Plant at Cold Storage sa lalawigan.
Moto propio ang magiging imbestigasyon na hindi umano dapat palampasin dahil higit P100 million umano ang ginastos ng pamahalaan sa mga proyekto na mula sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sinasabing mismong si VP Leni ang proponent ng projects at kasama rin ito ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa blessing at inaguration.
Samantala, inaasahang pasisimulan ang naturang imbestigasyon sa Enero ng susunod na taon.