-- Advertisements --

Nanawagan si Vice President Leno Robredo sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng 14 na magsasaka sa Negros Oriental noong Marso 30.

Sa isang panayam sa Negros Occidental, iginiit ni Robredo “kailangan talaga na magkaroon ng Senate inquiry” sa naturang insidente dahil posibleng sangkot daw dito ang ilang makapangyarihan indibidwal.

Hindi aniya magandang mensahe para sa mga pamilya ng nasawing mga magsasaka na hindi sila nabibigyan ng proteksyon ng pamahalaan.

Nauna nang umapela ng Senate inquiry sa naturang issue ang kapartido ni Robredo sa Liberal Party na si Sen. Leila de Lima.

“Kung titingnan natin iyong mga balita, mayroong mga tao na itinuturo na maaaring salarin doon sa mga nangyari. Sana masundan na ito ng paghain ng kaso,” saad ng Bise Presidente.

Magugunitang nasawi ang naturang mga magsasaka sa joint military at police operation na ikinasa laban sa illegal firearms kung saan target ang mga suspected supporters at miyembro ng NPA sa iba’t ibang lugar sa Negros Oriental.