Nagpaabot nang pasasalamat si Vice President Leni Robredo sa grupong 1Sambayan matapos siyang iindorso bilang standard bearer sa 2022 presidential elections.
Gayunman, wala pa ring desisyon si Robredo kung tatanggapin ang nominasyon sa kanya.
Humihingi pa ng ilang araw si Robredo na pag-isipan kung tatakbo ba talaga sa pagkapangulo, kasabay ng kanyang panawagan na samahan siya na magdasal at magnilay nilay.
Ayon kay VP Leni, mabigat ang hinihiling sa isang pangulo na maraming obligasyon at responsibilidad dahil nakataya ang kinabukasan ng mga Pilipino.
Gayunman alam daw niya ang nakaatang na tungkulin sa balikat ng isang presidente.
Binigyang diin pa ng pangalawang pangulo na ang gagawin niyang desisyon ay hindi dahil lamang sa ambisyon o pag-uudyok ng iba.
Una rito, isinagawa ang opisyal na pag-indorso ng opposition coalition kay Robredo sa pamamagitan ng isang virtual forum.
Sa paliwanag ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, convenor ng 1Sambayan, sinabi nito dumaan daw sa masusing proseso ang pagpili nila kay Robredo.
Inamin din ni Justice Carpio, na nangunguna naman sa listahan na gawing vice presidential candidate nila si dating Sen. Antonio Trillanes IV.
Pero kanila muna itong ikukunsulta kay Robredo.
Sa mga susunod na raw ay nakatakda silang makipag-usap sa vice president upang pag-usapan na rin ang magiging line-up sa mga senatoriables.
Kung maalala una na ring nakipagpulong ang 1Sambayan kina Sen Manny Pacquiao, kampo ni Mayor Isko Moreno, at iba pa.