Tinuligsa ni Vice President Leni Robredo ang pagkakalagda sa Anti-Terror Law sa gitna ng mga pagtutol at pagharap ng bansa sa coronavirus pandemic.
Sa isang panayam, sinabi ni Robredo na ang naturang kontrobersyal na batas, na nagbibigay kapangyarihan sa gobyerno na tugunan ang isyu sa terorismo, ay naglalaman umano ng mga probisyon na maaaring maabuso.
“Nu’ng nalaman ko na nilagdaan, parang nanghina ako. Nakakalungkot. Frustrating. Kasi ginawa ito sa kabila ng nasa gitna tayo ng matinding pandemya. Ginawa ito sa kabila ng maraming pagtutol ng maraming sector,” wika ni Robredo.
Naniniwala rin ang bise presidente na minadali sa Kongreso ang batas sa kabila ng pagbawi ng suporta ng ilang mga mambabatas.
Nakababahala rin aniya ang “timing” at paraan ng pagpasa sa Anti-Terror Law ngayong may health crisis na kinakaharap ang bansa.
“‘Yung sa akin, kaisa naman ako sa paniwala na ang terorismo ay malaking problema ng ating bansa at dapat talagang maghanap tayo ng paraan para masugpo ito pero sa akin kasi ‘yung timing, ‘yung prosesong nangyari sa House of Representatives, ‘yung ilang probisyon na palagay ko at palagay ng marami ay napakabukas ito para sa pang-aabuso,” ani Robredo.
Bagama’t mayroon din aniyang safeguards ang naturang batas, hindi raw ito sapat at dapat pa ring isaalang-alang ang karapatan ng mga mamamayan.
Hinimok din ng pangalawang pangulo ang publiko na huwag tumigil sa paghayag sa pagtutol sa batas.
“Sana huwag tayong mawalan ng pag-asa . . . Kahit pinanghinaan tayo ng loob, pansamantala lang ito. Ang laban nandiyan pa rin,” sambit ni Robredo.
Una nang dumipensa ang Malacañang sa naging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nagpapakita lamang daw ito ng kagustuhan ng pamahalaan na sugpuin ang terorismo.
“As we have said, the President, together with his legal team, took time to study this piece of legislation weighing the concerns of different stakeholders,” saad sa pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque.