MANILA – Nababahala si Vice President Leni Robredo sa pahayag ng ilang opisyal ng gobyerno na tila takot nang ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa teritoryong inaagaw ng China.
“Hindi naman tayo, Ka Ely, nakikipag-away eh. Pinaglalaban lang natin iyong dapat na sa atin, iyong karapatan natin,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Ang pahayag ng pangalawang pangulo ay kasunod ng pag-amin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa dahilan kung bakit hindi muli sasali ang Pilipinas sa naval drills sa South China Sea.
Ayon kasi sa kalihim, bukod sa walang sapat na kagamitan ang bansa para sumali sa aktibidad, may banta rin ang China sa estado.
Hindi nakiisa ang Pilipinas sa naval drills noong nakaraang taon.
“Firstly, it’s not to antagonize China because China is watching us here and a lot of things could be done to us by the Chinese government if they are antagonized,” ani Lorenzana sa panayam ng ANC.
Ani VP Leni, obligasyon ng pamahalaan na protektahan ang mamamayan sa paraan na hindi nako-kompromiso ang karapatan sa pag-aaring teritoryo.
“Nakakalungkot iyong nabasa na hindi tayo gagalaw kasi takot tayo at pinapanood tayo ng China. Ano ba naman iyon? Hindi natin kayang proteksyunan iyong sarili natin dahil natatakot tayo sa iba?”
Kung maaalala, nanalo ang Pilipinas sa territorial dispute laban sa China matapos kilalanin ng UN Permanent Court of Arbitration ang soberanya ng estado sa West Philippine Sea.