-- Advertisements --

Nagbalik-tanaw si Vice President Leni Robredo sa kanyang mga nagawa upang tulungan ang mga kababaihan sa Naga City noong siya ay nagsisilbi pa bilang abogado.

Sa kanyang talumpati para sa International Women’s Day Summit 2019 na ginanap sa lungsod ng Taguig, ibinida nito na sa loob ng mahabang panahon ay naging aktibo ito sa pagtulong at pakikinig sa mga babaeng naaabuso ngunit sa takot ng mga biktima ay mas pinipili na lamang nila na manahimik.

Naging saksi umano siya kung paano naging malupit ang lipunan sa mga kababaihan.

“Economic empowerment is the first step to real empowerment. For every woman that is economically independent, the entire family has the chance to break free from abuse and poverty,” saad ni Robredo.

Ayon kay Robredo, sinigurado nila noon na lahat ng kababaihan sa lipunan ay parte ng isang organisasyon kung saan maaari silang lumapit kung sakaling kailangan nila ng taong ipapaalala ang kanilang halaga bilang isang babae.

Kasabay nito ay ang pag-oorganisa nila ng Bantay Familia, isang non-government organization na nag lalayong puksain ang domestic violence, protektahan ang mga biktima ng pang-aabuso, at pagtataguyod sa karapatang pang kababaihan.

Nagtayo rin umano siya ng “Barangay Councils of Women,” na nagsilbing plataporma kung saan maaaring makiisa ang mga kababaihan sa usaping pambarangay.

Samantala, matapos nilang itatag ang “Women’s Crisis Center” ay ang biglang pagtaas ng record kung saan mas dumami ang mga nai-report na rape cases at domestic abuse na nagpapatunay lamang na mas lalong lumakas ang loob ng mga biktima na magsalita.

Binigyang-diin naman ng pangalawang pangulo na dapat ay mas bigyang pansin ng mga pulitiko ang resulta ng kanilang programa para sa mga kababaihan at mag-isip ng mas marami pang programa na may kahulugan tulad ng pagpapalawak ng mas marami pang oportunidad para sa mga kababaihan.

Naniniwala ito na sa mabilis na pagbabago ng mundo ay ang pagdami rin ng epekto at impluwensya ng mga kababaihan sa lipunan at ang kuwento ng bawat babae sa mundo ay isang halimbawa upang gawing maganda ang isang bagay na minsan ay nasira na.

“Nurture the power within you and let it grow. It is the same power that will propel you to greater heights and the same power that will let you move mountains. This is your time,” dagdag pa ni Robredo.