Ipinaalala ni Vice Pres. Leni Robredo ang kahalagahan ng pagbibigayan, pagpapatawad at malasakit sa kapwa bilang tanda ng tunay na diwa ng Pasko.
“Ang araw na ito ay napaka-espesyal sa bawat pamilyang Pilipino, dahil ito ang panahon kung kailan tayo nabubuo at nagkakasama-sama—umuuwi sila Nanay at Tatay, sila Ate at Kuya, at kabi-kabila ang kasiyahan sa mga tahanan. Bata man o matanda, bakas sa mukha ng bawat isa ang tuwa na para bang walang problema ang hindi natin kayang lagpasan,” ani VP Leni.
Sa kanyang Christmas message sinabi ni Robredo na hindi nasusukat sa pagkakaiba ng paniniwala at pinanggalingan ang mukha ng pagkakaisa at pag-asa.
“Sa gitna ng makukulay na mga palamuti, kaliwa’t kanang handaan, at masasayang awitan, huwag sana nating kalimutan ang tunay na diwa ng Kapaskuhan: ang pagbibigayan, pagkakapatawaran, at malasakit sa ating kapwa. Sa ating pagdiriwang, patuloy sana nating alalahanin, akayin, at yakapin ang mga naulila, mga kapatid nating nangangailangan, nagugutom, mga walang masilungan, at nasalanta ng mga sakuna. Ito ang pinakamagandang regalo na maibibigay natin sa ating kapwa at sa ating bansa.”
Nawa’y magsilbing paalala raw ang Pasko para magabot ng tulong ang bawat isa sa mga nangangailangan.
“Magkakaiba man ang ating pinagmulan, pananampalataya, at mga paniniwala, iisang mukha lang sana ang makita natin sa ating patuloy na pakikisalamuha—ang mukha ng pagkakaisa at pag-asa, sa hirap man o ginhawa. Ang mga pagdiriwang na katulad nito ay isang pambihirang pagkakataon upang ipakita natin na sa huli, ang mga bagay na nagbubuklod sa atin ay higit na mas matibay kaysa sa mga bagay na sumisira sa ating pagkakaisa.”
Hinimok naman ng bise presidente ang publiko na manatiling matatag sa lahat ng pagsubok na dumarating.
“Magtiwala tayong anumang pagsubok ang dumating, ang liwanag ng katotohanan at pag-ibig ang palaging mananaig. Muli, maligayang Pasko po sa inyo at sa inyong mga mahal sa buhay, at mabuhay ang pamilyang Pilipino.”