Tiniyak ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa anumang diskarte ni Vice President Leni Robredo bilang bagong anti-drug czar.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, bahala na si VP Robredo kung paano nito gagampanan ang malaking responsibilidad na nakaatang sa balikat nito ngayon.
Pero ayon kay Sec. Panelo, “accountable” pa rin ang bise presidente kay Pangulong Duterte gaya ng ibang opisyal ng pamahalaan kabilang ang mga miyembro ng gabinete.
Magugunitang maliban sa korupsyon, kasama ang “incompetence” sa mga dahilan ng ikinasibak ng mga dating government officials mula sa kani-kanilang mga puwesto.
“Alam mo si Presidente, ever since hindi nakikialam iyan sa kanyang mga departamento, pilaging bahala kayong dumiskarte, but you are accountable to me – iyan ang ever since ganyan ang policy,” ani Sec. Panelo.
Una rito sinabi pa rin ng tagapagsalita ng Pangulo na dedepende umano sa performance ni Robredo bilang drug czar kung magbabago ang satisfaction ratings na nakukuha ng administrasyon sa anti-drug war.
Magugunitang batay sa mga nagdaang surveys, mataas na satisfaction at approval ratings ang nakukuha ng Duterte administration sa paglaban ng iligal na droga.
Paliwanag pa ni Panelo, hindi pa nila masasabi sa ngayon kung tataas o bababa ang ratings sa pag-upo ni Robredo bilang co-chair ng ICAD.
Ang pagtatalaga raw kay VP Robredo ay patunay na may tiwala ang Pangulo sa kakayahan ng bise presidente.