Aminado si Vice Pres. Leni Robredo na nakaapekto ang mga pahayag ng Malacanang sa pagtanggi niya na makita na ang listahan ng mga drug high-value targets at iba pang sensitibong impormasyon kaugnay ng war on drugs.
Ayon kasi kay Robredo, inalok na siya ni kanyang chairman sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs na si PDEA director general Aaron Aquino na masilip ang classified information kaugnay kampanya.
“And in fairness to Director General Aquino, he was offering to brief me on some classified matters. Pero ako, I refused, kasi sabi ko hihintayin ko muna iyong sagot ni Presidente doon sa aking clarification kung ano ba talaga iyong limits ng aking mandato. Kasi iyong ayaw ko, ma-accuse ako na lumalampas ako sa mandato. Kasi iyon iyong lumalabas sa media, despite the fact na mayroong executive order na mandato dapat ng ICAD iyong “to ensure the arrest of high-value targets”,” ani Robredo.
“Iyong mga press statements ng mga opisyal ng administrasyon, parang ina-accuse ako of going beyond my mandate. So sinabi ko kay Director General Aquino, hindi ko muna titingnan—may briefing sana kanina, binibigyan sana ako ng folders ng classified matters—until na-clarify kung ano talaga iyong limits ng aking mandato. Kasi iyong lumalabas sa media hindi maganda. Parang pinu-push ko iyong mandato ko beyond what it really is. So hihintayin namin iyong clarification na iyon.”
Hindi raw maintindihan ng bise presidente kung bakit panay ang patutsada ng presidente sa kanyang mga hakbang, gayong ito mismo ang nagtalaga sa kanya sa posisyon.
Pareho rin ang sentimyento ng kaalyado ni Robredo, na si dating Pangulong Noynoy Aquino.
“Inappoint mo tapos wala ka palang tiwala e parang magulo ata ‘yun. Normally kapag inaappoint mo pinagkakatiwalaan mo,” ani Aquino.
Iginiit naman ni Robredo na hindi totoo ang mga ulat na nakipag-pulong siya sa prosecutors ng United Nations at umapela sa pangulo na huwag maniwala sa mga maling impormasyon.
Para sa pangalawang pangulo, may posisyon man siya o wala, tapat ang kanyang adhikain na makatulong sa pagsugpo ng iligal na droga sa Pilipinas.
“Hindi ko nga in-apply ito— Hindi ko hiniling itong pagiging co-chair ng ICAD. Ako iyong itinalaga. So sa akin, kung ano iyong trabahong binibigay sa akin, gagawin ko, pero hindi sa akin nagma-matter whether this is a Cabinet post or not. Basta ako, kung ano iyong expectation sa akin, iyon iyong gagawin ko,” ani Robredo.