-- Advertisements --
PENCE BIEDN

Tuloy na umano ang pagpapabakuna ni President-elect Joe Biden laban sa coronavirus sa susunod na linggo.

Ito ang kinumpirma ng kanyang transition official.

Una nang sinabi ni Biden, na hindi naman siya makikipag-agawan o mauuna sa pila dahil minabuti niya na ang mga frontline workers muna ang turukan mula sa inaprubahang Pfizer/BioNTech vaccine.

Ang pagpapabakuna ni Biden ay ipapakita sa publiko upang magkaroon ng kumpiyansa na epektibo talaga ang vaccine.

Pero bago ang inaabangang pagtuturok ng bakuna kay Biden, mauuna muna si Vice President Mike Pence at gagawin na ito sa Sabado doon sa White House.

Makakasabay ni Pence si Second Lady Karen Pence at ang Surgeon General na si Jerome Adams.

Si President Donald Trump ay nakadependa pa raw sa rekomendasyon ng kanyang mga doktor kung sasailalim na rin sa vaccination.

Una nang napaulat na ang ikalawang vaccine sa Amerika na Moderna ay aaprubahan na rin sa loob ng tatlong araw mula ngayon.