Hindi umano sang-ayon si US Vice President Mike Pence na patalsikin sa puwesto si President Donald Trump sa pamamagitan ng 25th Amendment ng kanilang konstitusyon.
Una nang nanawagan ang mga kalabang partido sa Democrats na kailangang matanggal na sa puwesto sa lalong madaling panahon si Trump dahil siya raw ang nag-udyok sa mga supporters na lusubin ang US Capitol kung saan nandoon ang kanilang kongreso.
Bagamat hindi pa lantarang naghayag si Pence sa kanyang posisyon, may ilan daw itong adviser na nagsasabi na hindi susuporta ang pangalawang pangulo at maging ang miyembro ng gabinete ng Presidente hinggil dito.
Anila, ang naturang hakbang na hindi pa nagagamit sa kasaysayan ng Amerika ay lalo lamang daw magpapagulo sa Washington.
Isa naman sa magiging option ng mga Democrats ay idaan na lamang sa impeachment ang pagtanggal kay President Trump kung hindi umubra ang 25th Amendment.
Sa Enero 20 na ang inagurasyon ni Joe Biden bilang bagong pangulo ng Estado Unidos.