Robredo, binisita ang burol ng mga biktima ng Iloilo Strait tragedy
ILOILO CITY – Binisita ni Vice President Leni Robredo ang burol ng mga namatay sa Iloilo Strait tragedy.
Dumating sa lungsod ng Iloilo si Robredo bandang alas-11:00 ng umaga at kaagad na dumiretso sa distrito ng Mandurriao kung saan nakaburol ang ilang kaanak ng pamilya Java, Salanatin at Alejado.
Nagpaabot ng cash assistance si Robredo at nagbigay rin ng scholarship sa dalawang batang survivor.
Pasado alas-1:00 naman ng hapon, kaagad na tumungo sa Jordan, Guimaras si Robredo upang makiramay sa mga pamilya ng mga namatay na pasahero.
Dumalo rin ang bise presidente sa misa na isinagawa sa bayan ng Jordan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Robredo, sinabi nito na nakikiramay siya sa mga pamilya na nawalan ng mahal sa buhay.
Ayon kay Robredo, lubos niyang naiintindihan ang pakiramdam ng nawalan ng kaanak.
Maliban aniya sa cash assistance, kailangan din ng mga survivor ang psychosocial services.