Surpresang binisita ni Vice President Leni Robredo ngayong umaga ang burol ng 17-anyos na binatilyo na si Kian Delos Santos na pinatay umano ng mga pulis Caloocan sa isinagawang “Oplan Galugad.”
Alas-6:00 kaninang umaga ng magtungo si Robredo sa bahay ng mga Delos Santos.
Tinungo din ng pangalawang pangulo ang crime scene kung saan pinatay ang 17-anyos na Grade 11 student.
Ang crime scene ay may layong 300 metro mula sa bahay ng pamilya Delos Santos.
Tiniyak naman ng pangalawang pangulo ang tulong para sa pamilya ng sa gayon mabigyan ng hustisya ang kamayan ni Kian.
Free legal assistance ang ibibigay na tulong para sa pamilya Delos Santos.
Hiniling din ng pamilya Delos Santos kay VP Robredo na tulungan silang bigyan ng seguridad ang kanilang pamilya dahil may natatanggap na rin silang banta sa pamamagitan ng mga text messages.
Hindi lamang ang kanilang pamilya kundi maging ang mga testigo sa krimen.
Itinanggi naman ni Ginoong Zaldy Delos Santos na kilala nila ang lumabas na testigo na nagsasabing ang anak nitong si Kian ay isang runner ng droga.
Giit ni Mr. Delos Santos na masakit para sa kanila na paratangan ang kanilang anak.
Dagdag pa nito na inaasahan na rin nila na may gagamitin na mga indibidwal ang mga pulis na nakapatay sa kaniyang anak para depensahan ang kanilang operasyon.