MANILA – Maaga pa raw para patulan ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang lumabas na resulta ng isang survey ukol sa mga matunog na presidentiables sa 2022 national election.
Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, matagal pa ang halalan kaya hindi pa ito ang prayoridad ng Office the Vice President.
“The elections are still a long way away so we do not really pay much mind to these early survey results,” sa isang mensahe na ipinadala sa media.
Kasabay nang pagsasara ng 2020, inilabas ng Pulse Asia ang resulta ng survey nito na nagsasaad sa mga posibleng maglaban-laban sa presidential seat sa susunod na halalan.
Nangunguna sa listahan ang presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, dating Sen. Bongbong Marcos, Sen. Grace Poe, Manila Mayor Isko Moreno, at Sen. Manny Pacquiao.
Nasa ika-anim na pwesto naman si VP Leni Robredo.
“Right now, the VP is still focused on working to help our fellow Filipinos get past of the crisis of COVID-1, and recover from the calamities of the past few months,” ani Gutierrez.
Dagdag pa ng kampo ni Robredo, maaga pa para sa usapin ng pulitika at pakikipag-gitgitan sa eleksyon.
Magugunitang natalo ng Liberal Party-candidate na si Robredo si Marcos noong 2016 elections sa posisyon ng pagka-bise presidente.
Bagamat inakyat ni Marcos sa Presidential Electoral Tribunal (PET) ang reklamo ng umano’y dayaan, lumabas sa ginawang manual recount ng mga balota na talo pa rin siya sa nanalong si Robredo.