Nilinaw ni Vice President Leni Robredo na wala umano itong plano sa kasalukuyan na tumakbo bilang pangulo sa halalan sa 2022.
Gayunman, binigyang-diin ng pangalawang pangulo na bukas umano ito sa lahat ng mga posibilidad.
“Wala naman akong sinasabing may plano akong tumakbo for president sa 2022. Parati kong sinasabi na iyong presidency naman destiny iyan, na hindi napaplano, lalo na parang three years before the elections,” wika ni Robredo.
“Ang sinasabi ko lang, open ako sa lahat na possibilities.”
Paliwanag pa ni Robredo, napatunayan na raw sa kasaysayan na hindi raw napaplano ang matagumpay na kampanya sa pampanguluhang eleksyon.
“Kung naaalala lang natin, kahit noong 2016, iyong 2010, iyong presidential elections before that, talagang pinakita na ang daming nagpaplano nang mas maaga na hindi naman talaga nangyayari,” anang opisyal.
“Parang, nabibigay talaga siya kung sino iyong nakatakda. So iyong sa atin, mahirap na planuhin,” dagdag nito.
Una nang inamin ni Robredo sa isang panayam na bagama’t nahaharap ito sa aniya’y mga pagsubok lalo na’t siya’y nasa oposisyon, binubuksan na umano nito ngayon ang posibilidad ng pagtakbo sa pagkapangulo sa 2022 kung ito raw ang kanyang kapalaran.
Ani Robredo, marami pa umano ang maaaring mangyari at ang pagiging pangulo ay nakabase raw sa tadhana.