BACOLOD CITY – Inamin ni Vice President Leni Robredo na “overwhelmed” ito sa dami ng mga Negrense na sumama sa stationary caravan bilang pagsalubong sa kanyang pagdating sa Negros Occidental kasabay ng komemorasyon ng Negros Revolution ngayong araw.
Hindi bababa sa 2,000 mga sasakyan ang nag-abang sa Bacolod Silay Airport Access Road kanina kung saan karamihan sa mga ito ay decorated ng pink na ribbon at balloons.
Sa pagbisita ni Robredo sa himpilan ng Bombo Radyo Bacolod, sinabi nito na masaya siyang nakabalik sa Bacolod makalipas ang halos dalawang taon dahil naudlot ang mga travel dahil sa COVID pandemic.
Aminado ito na umasa silang may magwi-welcome sa kanyang pagdating ngunit hindi nito inaasahan na libu-libong sasakyan ang sasali sa caravan kung saan ang ibang sumali ay buong pamilya pa at may naka-costume pa kaya’t nagmukha aniyang picnic ang tabi ng daan.
Ayon kay Robredo, espesyal para sa kanya ang Negros Occidental dahil maraming boto ang nakuha niya rito noong 2016 elections.
Aniya, kahit maraming bumoto sa kanyang noong 2016 sa Negros Occidental, hindi ganito ka-overwhelming daw ang paglabas ng mga tao upang magsuporta.
Dahil sa ipinakita ng mga Negrense hindi lang daw “Leni fever” ang naramdaman ng bise presidente kundi nakita nito na dinadamdam ng mga tao na kanilang laban din ito.
Ayon sa pangalawang pangulo, maraming proyekto ang naitayo ng Office of the Vice President sa iba’t ibang LGUs sa Negros Occidental kahit limitado lang ang pondo ng kanyang opisina dahil sa pagtutulungan ng gobyerno at ng private sector.
Ayon kay Robredo, kung nabigyan sana ng boses at pagkakataon ang OVP, mas marami pang proyekto ang naitayo.