Hinikayat ni Vice President Leni Robredo ang bawat Pilipino ngayong araw na pagnilayan ang konsepto ng kalayaan sa gitna ng pandemya kung saan halos lahat ay pwersadong manatili sa kanilang mga tahanan.
Kasabay ito ng paggunita ng Pilipinas sa ika-122 taon ng kalayaan nito mula sa kamay ng Espanya.
Ayon sa bise-presidente, pagkakataon umano ito para balikan ang tunay na diwa ng kalayaan dahil na rin sa iba’t ibang problema na hinaharap ng bansa.
Mula sa pandemya, banta sa karapatan at kalayaan maging ang pag-alab ng damdamin ng bawat isa laban sa panggigipit at pagbalewala sa dignidad ng isang indibiwal o lahi.
“Tumatawid sa sarili ang diwa ng kalayaan.. Ang tunay na kalayaan ay kalayaan para sa kapwa. At sa mga pagkakataong may banta sa kalayaan ng isa, kailangang lahat tayo pumalag, dahil ang tunay na binabantaan ay ang kalayaan ng lahat,”
Aniya, malinaw na magkakarugtong ang kalayaan ng lahat. Kung wala raw kasing kalayaan ang isa, ay wala ring matatamong kalayaan ang lahat. Dagdag pa ni Robredo na ang sistemang sisiguro nito ay gagana lamang kung lahat ay ituturing nang patas at makatao.
Sinabi pa ng ikalawang presidente ng bansa na kinakailangang manindigan ang mga Pilipino sa kanilang ipinaglalaban para sa karapatan ng lahat.
“Ito nga siguro ang mensahe ko ngayong Araw ng Kalayaan sa panahon ng pandemya. Kung gusto natin ng pansariling kalayaan mula sa sakit at panganib, kailangang siguruhin ito para sa lahat—dahil kung hindi, magkakahawahan lang tayo. Kung gusto natin ng pansariling kalayaan para maghayag ng saloobin, kailangan ding siguruhin ito para sa lahat—dahil ang mga istrukturang panlipunang maaaring sumiil sa kalayaan ng iba ay maaari ring ituon para siilin ka,”
“Alalahanin natin na ang mga kaisipang naglunsad ng rebolusyon; patas na karapatan, dignidad, at kalayaan ng indibiduwal na maabot ang kanilang adhikain. Patuloy sana nating pagsikapang isadiwa ang mga kaisipang ito. Maligayang Araw ng Kalayaan sa lahat. Mabuhay ang duyan ng magigiting. Mabuhay ang sambayanang Pilipino,” wika ni Robredo