ROXAS CITY – Tututukan umano ni Bise-Presidente Leni Robredo ang pag-angat sa mga nasa ‘laylayan’ o ang sektor na hindi halos napapansin ng gobyerno sa Visayas partikular na sa isla ng Panay at Negros Occidental.
Ito ang inihayag ng bise-presidente kasunod ng kaniyang pormal na pagbigay P5 million financial assistance sa 1, 877 na mga magsasaka na miyembro ng Panit-an Integrated Farmer’s Association sa kaniyang pagbisita sa lalawigan ng Capiz.
Gagamitin umano ito sa proyekto ng asosasyon kabilang na ang pagbili ng ilang kagamitan sa pagsasaka katulad ng four-wheel drive tractor, combine rice harvester at rice transplanter.
Maliban sa pinansiyal na tulong mula sa bise-presidente ay nagbigay rin ng P980, 000 na counterpart ang lokal na gobyerno ng bayan ng Panit-an.
Ayon kay Robredo nais nitong masiguro na bago ang pagtapos ng kaniyang termino sa taong 2022 ay mapaangat nito ang buhay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng Ahon Laylayan Koalisyon (AKL).
Matapos ang isla ng Panay ay bibisita rin ang bise-presidente sa Bohol, Cebu at ilang parte ng Eastern Visayas upang makapagbigay ng tulong.