CAGAYAN DE ORO CITY -Kailangan ni Vice President Leni Robredo na makipag-usap kay Pangulong Rodrigo Duterte upang magkalinawan sa kanyang panibagong trabaho bilang co-chairman sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o (ICAD) sa bansa.
Ito ay sa halip na isusuko ni Robredo ang kanyang pagpupursige na makatulong sa sarili nitong mga diskarte na maibsan ang matagal ng problema kaugnay sa ilegal na droga sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ng political analyst na si Ramon Casiple na kailangang maglalaan ng sapat na oras si Robredo upang personal marinig kay Duterte ang gusto nito na trabahuin bilang drug czar.
Inihayag ni Casiple na hindi naman maganda tingnan na tatalikuran ng pangalawang pangulo ang dagdag lamang na trabaho na ipinagkatiwala ng pangulo sa kanya dahil pareho sila na mga nahalal ng taumbayan.
Reaksyon ito ng kilalang political analyst matapos na ilan sa mga nasangguni ni Robredo na mga mambabatas na nagbigay suhestiyon na maghain na lamang ng resignation kay Duterte dahil sa magkaiba na direksyon sa anti-illegal drugs war sa bansa.
Una nang pinuna ni Duterte ang sunod-sunod na mga pahayag ni Robredo kung saan humantong pa na nasabihan ito na mahirap pagkatiwalaan dahil nagmula sa kampo ng oposisyon.