-- Advertisements --

Kasalukuyang pinaghahandaan na umano nina Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagharap sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa madugong war on drugs ng Duterte administration.

Ito ang inihayag ni VP Sara sa isang panayam sa kaniya bagamat hindi pa umano siya kasama sa complaint o imbestigasyon ng permanent international tribunal.

Subalit inamin naman ng Bise Presidente na dapat na paghandaan ng mabuti ng kaniyang ama na si dating Pang. Duterte ang imbestigasyon ng ICC dahil siya ang iniimbestigahan.

Matatandaan una ng sinabi ng dating Pangulo sa ika-11 pagdinig ng House Quad Committee noong Miyerkules na handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC at hinamon din na paspasan ang pagi-imbestiga. Sa panig naman ng Marcos administration, hindi umano nila pipigilan ang dating pangulo subalit nanindigan ang gobyerno ng Pilipinas sa posisyon nito na hindi ito makikipagtulungan sa ICC dahil kumalas na ang bansa noong 2019.