Muling babalik sa The Hague si VP Sara Duterte sa susunod na buwan upang bisitahin ang kaniyang naka-deteneng ama na si dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ayon sa pangalawang pangulo, nais niyang bisitahin ang ama sa kaniyang (VP Sara) kaarawan sa Mayo-31. Plano niyang makasama rito ang kaniyang ina at dating asawa ng dating pangulo na si Elizabeth Zimmerman.
Ayon kay VP Sara, una na niyang ipinangako sa kaniyang ina at ama na magkakasama silang lahat sa kaniyang kaarawan.
Nais umano niyang isama ang kaniyang ina sa susunod na pagbisita dahil hindi siya nakakuha ng permission noon upang makapasok sa detention facility kung saan naroon ang dating pangulo.
Kwento pa ni VP Sara, noong kinausap niya ang kaniyang ama ay nabanggit umano niyang, hinihintay din niya ang pagbisita ni Zimmerman, kaya’t tiniyak din ng pangalawang pangulo na mangyayari sa kaniyang nalalapit na kaarawan.
Unang nagtungo si VP Sara sa The Hague noong kalagitnaan ng Marso upang sundan at bisitahin ang dating pangulo, kasunod ng pag-aresto sa kaniya dito sa Pilipinas at pagsasakustudiya sa International Criminal Court.