Ilang araw mula nang sumalang ang budget ng Office of the Vice President sa Kamara de Representantes, nagpasaring si Vice Pres. Sara Duterte sa mga mambabatas dahil sa naging takbo ng pagdinig.
Matatandaang naging agaw-pansin ang mga tugon ng bise presidente ukol sa paghimay sa proposed 2025 budget ng tanggapan ng pangalawang pangulo na ikinagalit din ng maraming mambabatas hanggang sa nauwi sa maiinit na sagutan.
Sa naging mensahe ng Pangalawang Pangulo, mistula umanong hindi sanay ang mga ito na hindi nakukuha ang mga nais nilang kasagutan sa kanilang mga tanong.
Bumuwelta rin si VP Sara sa pag-atake umano sa kanya at pagtawag na ‘bratinella’ kasunod ng naturang pagdinig.
Ayon kay VP Sara, dahil lamang sa hindi nagustuhan ng mga mambabatas ang kanyang mga naging sagot ay ibinato na ito sa kanya. Mistula aniyang nagpapakita ito na ayaw ng mga kongresista na makarinig ng sagot na ayaw nilang marinig.