Binatikos ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro si Vice President Sara Duterte sa tambak na problema na iniwan nito sa Department of Education, na sasaluhin ng pumalit sa kanya na si dating senador at ngayo’y Secretary Sonny Angara.
Inihayag ni Castro ang kaniyang mariing pagpuna sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang P793.18-billion budget ng DepEd at mga attached agency para sa 2025. Ang Bise Presidente ay nagbitiw bilang kalihim ng DepEd noong Hulyo 19.
Mabilis namang inilipat ni Castro ang kaniyang tuon sa mga problemang minana ni Angara mula sa nakalipas na administrasyon.
Ipinunto niya na ang kurikulum ay nagdulot ng malaking pahirap sa mga guro sa high school, na ngayon ay may 7-8 load kada araw, na ang bawat klase ay tumatagal ng 45 minuto.”
Mungkahi ni Castro ang agarang pagrepaso ng MATATAG curriculum, na aniya’y minadaling ipinatupad kaya maraming naging problema sa implementasyon nito.
Bukod dito, binigyan diin din ng mambabatas ang mga seryosong problema na tinukoy sa ulat ng Commission on Audit (COA) tungkol sa DepEd Computerization Program (DCP).
Ikinabahala rin ni Castro ang pagkabigo na maibigay sa oras ang mga remittance ng mga empleyado ng ahensya na umaabot na sa mahigit P5 bilyon, kabilang ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at Pag-IBIG Fund.
Ayon sa ulat ng COA para sa 2023, ang mga hindi naibabayad na kontribusyon ay umabot sa P1.3 bilyon na utang sa BIR, P3.1 bilyon sa GSIS, P503 milyon sa PhilHealth, at P182 milyon sa Pag-IBIG.”
Iginiit ni Castro na ito ay malaking epekto sa mga teacher at non-teaching personnel, lalo na ang pagkakaantala ng remittances sa GSIS, na maaaring mauwi sa pagbabayad ng multa at surcharges sa kanilang mga account.
Tiniyak naman ni Angara at iba pang mga opisyal ng DepED, na ang mga binanggit ng COA, lalo na ang mga hindi nabayarang buwis ay tinutugunan na ng kagawaran, sa pamamagitan ng isinasagawang reconciliation process.