-- Advertisements --

Binigyang-diin ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang kahandaan ng kampo ni Vice President Sara Duterte na harapin ang impeachment trial laban sa kaniya.

Ayon kay Panelo, nakahanda ang legal team ni VP Sara para sa gugulong na pagdinig, at tiyak na haharapin niya itong nakangiti, buong tapang, at may sapat na kakayahan.

Kasabay nito ay binatikos din ng tagapagsalita ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang aniya’y hindi pagrespeto ng mga mambabatas sa boses ng taumbayan at ang kahilingan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na tigilan ang naturang hakbang dahil magdudulot lamang ito ng pagkaka-watak-watak at hindi magbebenepisyo sa mga Pilipino.

Inaasahan na rin aniya na pagkakaisahan si VP Sara at ang pagmadali sa proseso ay hindi na bago dahil hawak ng umano’y ‘anti-forces’ ang numero o sapat na bilang.

Nanindigan si Panelo na walang ibang layunin ang impeachment kung ‘di ang sirain at dungisan ang reputasyon ni VP Sara at tuluyan siyang ma-disqualify sa 2028 presidential elections, bilang isang pangunahing kandidato.

Naniniwala ang abugado na ang naging hakbang ng mga kongresista ay lalo lamang magpapalaki sa suportang natatanggap ni VP Sara mula sa mga mamamayang Pilipino.

Kampante rin si Atty. Panelo na walang katuturan ang mga grounds ng impeachment na inilatag ng mga mambabatas laban sa pangalawang pangulo.