-- Advertisements --

Nanawagan si House Assistant Majority Leader at Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon kay Vice President Sara Duterte na bumaba na lang sa pwesto kung hindi na rin naman niya gagampanan ang kanyang tungkulin, kasunod ng hindi nito pagsipot sa pagtalakay ng panukalang pondo matapos kumakalat ang mga litrato nito na nasa isang resort sa Camarines Norte.

Aniya, ang kawalan ng presensya ni Duterte sa deliberasyon ng panukalang pondo ng Office of the Vice President para sa taong 2025 ay indikasyon na wala na siyang interes sa kanyang responsibilidad bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Giit niya, mula umaga ng Lunes ay naghintay ang mga miyembro ng Kamara sa pagsipot ng Bise Presidente sa sesyon sa plenaryo para tulungan si Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, sponsor ng pondo ng OVP, na sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas.

Kumalat ang mga litrato at video ni Duterte sa social media habang nasa Calaguas Island sa Camarines Norte. Batay pa sa mga ulat, dumating siya sa isla noong Sabado at umalis Lunes ng umaga.

Pinuna rin niya si Duterte sa pagiging consistent ni Duterte na huwag magpakita sa pagdinig ng Kamara.

Kaya naman payo nito kay Duterte, kung hindi na siya intersado sa kanyang mga responsibilidad na nakasaad sa konstitusyon ay pag-isipan na nitong bumaba na lang sa pwesto. 

Sinegundahan ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez ang sentimiyento ni Bongalon ay sinabing maaaring may iba pang miyembro ng Kamara ang dismayado na rin.

Diin ni Suarez na hindi na ito basta usapin ng personal na responsibilidad ngunit pagpapaktia ng paggalang sa tanggapan kung saan iniluklok si Duterte.

Dismayado rin si La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V sa hindi pagdalo ni Duterte gayong may mga larawan at video na lumitaw na siya ay nasa beach.

Maging si Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ay nagpahayag ng pagkayamot lalo na at mismong mga mambabatas ay nagpapakita ng dedikasyon sa pagtalakay ng pondo.

“Nakaka-disappoint because we expect so much from her, at nakakalungkot dahil kami dito sa Kongreso nagtatrabaho ng hanggang madaling araw para maipasa ang mga batas,” ani Khonghun

Giit ni Khonghun marapat lang na gamapanan ni Duterte ang kaniyang tungkuling depensahan ang pondo ng OVP.