Binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte ang kahalagahan ng kapasidad at kalidad ng ibobotong kandidato sa daratingna halalan ngayong Mayo.
Ginawa nito ang pahayag kasabay ng kanyang pagdalo kahapon, Abril 27, sa Solidarity Rally for Change sa Carcar City.
Binanggit pa ng Ikalawang Pangulo ang mga mali na ugali ng mga Pilipino sa pagpili ng kandidato.
Kagaya na lamang umano dito ay ang pagpili dahil lang sa itsura ng isang kandidato o dinadaan sa pasayaw-sayaw at otomatikong pagpili dahil sa mula ito sa isang kilalang politiko o pamilya.
Inihahalimbawa pa nito ang kanyang sarili na bagama’t nagmula ito sa pamilyang Duterte ay hindi pa umano dapat ibigay ang boto at sa halip ay dapat pang pag-isipan kung ano ang kapasidad at abilidad ng isang kandidato na magdala ng isang probinsya o bansa.
Idinagdag pa ng opisyal na dahilan sa pabalik-balik na problema ng bansa ay ang vote-buying na aniya’y nasa pagmumukha na ngayon ng ayuda.
Ito pa ang dahilan na mawala ang respeto ng mga tao sa kanyang lider at ng lider sa kanyang nasasakupan dahil nagiging transaksyon ang panggobyerno.
Samantala, bagama’t nauna nang sinabi ni VP Sara na hindi siya gagawa ng anumang lokal na pag-endorso, kinilala naman nito ang mga lokal na kandidatong dumalo sa naturang pagtitipon.
Nagpaabot din ito ng pasasalamat sa mga Cebuano sa walang sawang pagsuporta sa kanya at sa kanyang tanggapan maging kay dating pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyan ngayong nakakulong sa The Hague, Netherlands.
Pinasalamatan din nito si Sen. Imee Marcos sa pagbubukas ng imbestigasyon sa pag-aresto sa dating Pangulo at umaasa siyang ito ang magiging tulay para mapabalik ito sa bansa.
“Nasa ‘yo ang boto namin Sen. Imee Marcos dahil ikaw ang magdadala sa kanya [FPRRD] pauwi galing sa The Hague pabalik ng Pilipinas,” saad ni VP Sara kay Sen. Imee.