CENTRAL MINDANAO-Isang makulay at kumikinang na araw ang nasaksihan ng libu-libong mamamayan na dumalo sa selebrasyon ng araw ng Cotabato at Kalivungan Festival.
Bilang isa sa mga highlights ng pagtatapos ng isang linggong pagdiriwang, isinagawa ang Costume Parade Competition kung saan ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ang mga kalahok.
Tampok sa nasabing paligsahan ang sayaw ng mga empleyado suot ang kanilang makukulay na Mardi Gras costume at showdown ng tatlong grupo na kinabibilangan ng Dilangalen National High School mula sa bayan ng Midsayap, Youth Performing Arts guild ng Kidapawan City at CFCST Pikit Cotabato.
Sinabi Governor Emmylou”Lala” Mendoza na nakaranas ng maraming hamon ang lalawigan lalo na ang pandemiya na dahilan ng pagkansela ng mga pagtitipon tulad ng Kalivungan Festival at ngayon, matapos ang dalawang taon ay maituturing na isang “beautiful comeback” para sa lalawigan na sinubok ang lakas at determinasyon ng kasalukuyang panahon.
Sa muling pagbabalik ng selebrasyon ng Kalivungan Festival na may temang “Matatag na Cotabato susulong sa anumang hamon” nagbigay-pugay ang nagbabalik rin na gobernadora sa kakayahan at pagkakaisa ng bawat Cotabateño at isang pagkakataon aniya ang selebrasyon ngayon upang ipakita ang mga minimithi, hangarin at taglay na lakas ng bawat isa sa gitna ng mga unos at pagsubok.
“Pagkakaisa sa kabila ng ating pagkakaiba.” Ito ang naging buod ng mensahe ni Vice President Sara Z. Duterte para sa lahat ng Cotabateño bilang Panauhing Pandangal sa isinagawang culmination program ng isang linggong pagdiriwang ng ika-108 na anibersaryo ng probinsiya ngayong araw.
Sa harap ng libu-libong Cotabateñong dumalo sa “Araw ng Cotabato”, binalikan ng Pangalawang Pangulo ang malalaking hamon na hinarap ng probinsya at ng buong bansa tulad ng serye ng pagyanig noong 2019 at pandemiya na nagsimula nitong 2020 na aniya’y nagdulot ng malaking dagok sa ekonomiya, kabuhayan ng mamamayan at maging sa larangan ng edukasyon. Ngunit sa kabila nito aniya ay patuloy pa rin tayong bumabangon bilang isang probinsiya at patunay nito ang malawak na partisipasyon ng mga Cotabateño sa Kalivungan Festival.
Nagpasalamat din si VP Sara sa lahat ng Cotabateño, lalo na kay Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza sa pangalawang oportunidad na binigay sa kanya na maging bahagi ng Kalivungan Festival na nagbigay din sa kanya ng pagkakataon na personal na magpasalamat sa suporta sa kanila ng mamamayan sa nakaraang halalan.
Binati din ni VP Sara, na siya ring Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, ang lahat ng mga lumahok sa Drum and Lyre Competition mula sa walong paaralan at tatlong grupo ng cultural and dance performance sa lalawigan at binigyan ng P30,000.00 para magamit upang pagyamanin pa ang kanilang kakayahan.
Bago pa nito, namigay din ang bise presidente ng 500 bags na may school supplies sa mga estudyante mula sa Kidapawan City at Matalam at 1,000 grocery packs sa mga kababaihan.