-- Advertisements --

Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Dir. Jaime Santiago na hindi humarap sa kanila ngayong araw si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Dir. Santiago, sa pamamagitan ng abogado ni Duterte na si Atty. Paul Lim, hiniling nito na e-reschedule ang hearing dahil late niya na nalaman na ipinagpaliban ang pagdinig sa House committee on good government and public accountability.

Una rito, inisyuhan ng subpoena ng NBI ang bise presidente matapos maghayag ng pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez.

Ayon kasi kay VP Duterte, may nakausap na siyang tao na kaniyang pinagbilinan na kung siya ay papatayin ay paslangin din ang first couple at ang pinuno ng Kamara.

Itinuturing ng Department of Justice (DOJ) na sensetibong statement ang binanggit ng bise presidente kaya nais nilang agad na alamin kung may nalabag na batas ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa.