Binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte na hindi siya “spoiled brat” na kagaya ng nais palabasin ng ilang kongresista.
Kasunod ito ng naging pagharap niya kamakailan, kung saan hindi nitong direktang sinagot ang maraming katanungan ng mga mambabatas.
Giit nito, bahagi ng pag-atake sa kaniya ang pagtawag na “bratinella” dahil lamang sa hindi nakuha ng House members ang nais nilang marinig na sagot.
“Hindi ako ‘bratinella’ o spoiled brat dahil kilala nila ako simula noong ako ay nasa Davao pa, simula ng ako ay mayor pa hanggang naging Vice President ako, kilala ako ng taumbayan na hindi ko inaabuso ang aking power and ang aking authority sa lahat ng mga opisina na nahawakan ko,” wika ni VP Duterte.
Matatandaang naging agaw-pansin ang mga tugon ng bise presidente ukol sa paghimay sa proposed 2025 budget ng tanggapan ng pangalawang pangulo.
“I would like to forgo the opportunity to defend the budget in the question and answer format. I would leave it to the House to decide on the budget submitted,” ang paulit-ulit na sagot ni VP Sara sa mga tanong ukol sa kanilang panukalang pondo sa susunod na taon.
Para sa bise presidente, hindi isang spoiled brat ang ipaubaya sa mga kongresista ang pagpapasya sa magiging pondo ng kanilang opisina.
Baka aniya hindi lang sanay ang mga ito na hindi nila nakukuha ang mga sagot na ibig nilang lumabas sa bibig ng kanilang resource person.
“Sa palagay ko, hindi lang sanay ang iilan na mga miyembro ng House of Representatives na hindi nila makuha ‘yung gusto nila at gusto nilang marinig na sagot at hindi sanay ‘yung mga iilan na mga representatives natin na sinasagot sila sa kanilang mga patutsada,” dagdag pa ng vice president.